MANILA, Philippines — Sinimulan nang ilatag ng pamunuan ng Quiapo church ang Traslacion ng Poong Hesus Nazareno kung saan magsisimula ito ng madaling araw mula sa Quirino Grandstand sa Huwebes, Enero 9 ang ruta na kinabibilangan ng tatlong plaza at parke, 18 kalye, isang underpass at anim na tulay.
Mula sa Quirino Grandstand, kakanan sa Katigbak Drive, diretso sa Padre Burgos St., kanan sa Ayala Boulevard, diretso sa Ayala Bridge, Kaliwa sa Carlos Palanca St., kanan, sa Quezon Boulevard, kanan sa Arlegui St., kanan sa Fraternal St., kanan sa Vergara St., kaliwa sa Duque de Alba St., kaliwa sa Castillejos St., kaliwa sa Farnesio St., kanan sa Arlegui St., kaliwa sa Nepomuceno St., kaliwa sa Concepcion Aguila St., kanan sa Carcer St., kanan sa Hidalgo sa pagdaan sa Plaza del Carmen, kaliwa sa Bilibid Viejo sa pamamagitan ng Gil Puyat, kaliwa sa JP de Guzman St., kanan sa Hidalgo St., kaliwa sa Quezon Blvd., kanan sa Palanca St sa pamamagitan ng pagdaan sa ilalim ng Quezon Bridge, kanan sa Villalobos na tatagos sa Plaza Miranda pabalik sa Simbahan ng Quiapo.
Ipinagbabawal din ang pagtambay sa mga tulay tulad ng Quezon Bridge hangga’t hindi pa nakakalagpas ang andas. Sinabi ni Fr. Robert Arellano, tagapagsalita ng Nazareno 2025 na mahigpit na ipinagbabawal ang pagsampa sa andas.
Kahapon ang isinagawang final inter-agency coordinating meeting para sa Nazareno 2025, kasama si Manila Mayor Honey Lacuna, at iba pang ahensya ng gobyerno kabilang ang Manila Police District, Metropolitan, Manila Development Authority, Department of Health, Philippine Coast Guard, Philippine Navy at iba pa.
Paalala Lacuna sa mga deboto na sumunod sa mga alituntunin at regulasyong itinakda ng Minor Basilica of the Black Nazarene at ng Manila Police District (MPD) upang makaiwas sa anumang balakid at matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga dadalo sa tradisyunal na ‘Traslacion’.
Inaasahang milyong deboto ang sasama sa prusisyon sa Enero 9, mas mainam na huwag nang magsama ng mga bata at persons with disability para hindi malantad sa anumang panganib.
Gayundin, pinayuhan niya ang mga deboto na huwag nang magsuot ng mga alahas, huwag magdala ng maraming pera, huwag magdala ng mahahalagang gamit na hindi kinakailangan at huwag sasama sa prusisyon kung lasing.