MANILA, Philippines — Arestado ang anim na katao na gumagamit umano sa pangalan ni First Lady Liza Araneta Marcos sa bentahan ng posisyon sa Bangsamoro Autonomous Region In Muslim Mindanao (BARMM) sa isinagawang joint entrapment operation sa Manila Hotel, nitong Huwebes.
Inaharap ni NBI Director Jaime Santiago sa press conference ang mga suspek na sina Diahn Sanchez Dagohoy alyas “Diane”, Bolkisah Balt Datadacula, Alejandro Barcena Lorino Jr, Ronald Joseph Catunao, Leomer Abon, at Tita Natividad, na pawang nagpakilalang konektado sa Office of the President.
Ayon kay Santiago, inaresto ang mga suspek matapos ang ikinasang operasyon nitong Huwebes bunsod ng reklamo ni dating Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu sa Special Task Force (STF) at Cybercrime Division (CCD).
Sinasabing Disyembre 29, 2024 nang isang Diane ang nakipag-ugnayan sa kaniya at inalok siya ng pwesto bilang miyembro ng Bangsamoro (BARMM) Parliament.
Ang posisyon ay inalok sa halagang P 8,000,000.00 at aabot umano sa ?15,000,000.00 ang napagkasunduang halaga na ibabayad ni Mangudadatu sa mga suspek at kapalit ng member position sa parliamentary government para sa anak at pamangkin nito.
Nahaharap na sa reklamong Usurpation of Authority at Syndicated Estafa ang mga suspek.
Samantala, nilinaw ni Director Santiago na walang kaugnayan sa palasyo ng Malakanyang ang grupo partikular sa Unang Ginang, batay sa inilabas na sertipikasyon ng Office of the President (OP).