MANILA, Philippines — Magsasagawa ng parallel investigation ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) sa insidente ng pananaksak na nangyari sa loob ng New Bilibid Prison Huwebes ng umaga na nagresulta sa pagkamatay ng isang deprived of liberty (PDL) at pagkasugat ng dalawang iba pa.
Ang nasabing imbestigasyon ay kasunod ng kahilingan ni BuCor Officer-in-Charge, Asec. Al Perreras kay NBI Director, Jaime Santiago at PNP Chief, PGen. Rommel F. Marbil, upang lumitaw ang katotohanan, isulong ang transparency, at matukoy ang pananagutan sa pagkamatay ni PDL Ricardo Peralta sa Prison No. N224P-1485 at ang pagkakasugat kay Reginal Lacuerta na may Prison No. N220P-1974, at PDL Bert Cupada na may Prison No. N223P-1537.
Inatasan din ni Perreras si CSupt. Roger Boncales, Acting Superintendent ng NBP na magsumite ng incident report hinggil sa usapin at ganap na makipagtulungan sa mga imbestigasyong isasagawa ng NBI at PNP.
Ayon kay Boncales, ang bangkay ni Peralta ay kinuha na nitong Enero 2 ng gabi ng common law wife na si Lalune Gabriel habang sina Lacuerta at Cupada na nagtamo ng mga saksak sa katawan ay ginagamot sa Ospital ng Muntinlupa.Si Peralta ay nasawi sa pananaksak na naganap alas-7:15 ng umaga nitong Enero 2, 2025 sa Gate 1-A, Quadrant 4 ng Maximum Security Camp ng NBP.
Hindi bababa sa apat na PDL na pinaniniwalaang sangkot sa insidente ang kasalukuyang iniimbestigahan.
Samantala, batay sa mga nailathala ng mga pahayagan noong 2003, si Peralta ang lider ng Revolutionary Proletariat Army-Alex Boncayao Brigade (RPA-ABB) na tinagurian din ang kaniyang grupo bilang Nueva Ecija Red Vigilante Group (RVG) ay nasangkot sa mga pagdukot at pagpatay at hinihinalang ginagamit ng ilang pulitiko bilang private armed group sa lalawigan ng Nueva Ecija.