MANILA, Philippines —Dahil sa patung-patong na kaso at kinasasangkutang kontrobersiya, tuluyan nang nagbitiw sa Bureau of Fire Protection (BFP) si Senior Fire Officer 2 (SFO2) Reyca Janisa Palpallatoc.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source mula sa BFP, ipinaalam ni Palpallatoc kay Fire Chief Superintendent Jesus Fernandez na ang kanyang pagbibitiw ay “irrevocable” o hindi na mababawi, at sinabi niyang ang desisyon ay dulot ng “mga mahalagang kaganapan sa kanyang buhay.” Inaprubahan ni Fernandez ang pagbibitiw noong Disyembre 27, 2024.
Subalit ang kanyang pagbibitiw ay itinuturing ng kanyang mga katrabaho na paraan upang makaiwas sa pananagutan sa mga seryosong kasong kriminal at administratibo na kinasasangkutan ng kanyang pangalan.
Ang pagbibitiw ni Palpallatoc ay kasabay ng paglabas ng isang warrant of arrest mula sa Pasay City court kaugnay ng mga kasong illegal recruitment. Inaakusahan siyang nanloko ng mga naghahanap ng trabaho at nanghihingi ng malaking halaga ng pera kapalit ng mga huwad na pangako ng trabaho sa BFP.
Bukod dito, nahaharap din siya sa isang hiwalay na eskandalo na may kinalaman sa moralidad at propesyon. Si Gng. Faiza Utuali, asawa ng isang natanggal na opisyal ng Marine, ay naghain ng reklamo sa Professional Regulation Commission (PRC) Board of Nursing upang ipawalang-bisa ang lisensya ni Palpallatoc bilang isang nurse. Nagkaroon aniya ng ‘illicit affair’ si Palpallatoc sa kanyang mister na dating Marine.
Sinabi naman ng mga legal na eksperto, bagama’t ang kanyang pagbibitiw ay nag-aalis sa kanya mula sa administratibong saklaw ng BFP, hindi nito inaalis ang kanyang pananagutan sa mga kasong kriminal.