MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang drug suspect habang nagsasagawa ng pagpapatrolya ang mga tauhan ng Malabon City Police sa magkahiwalay na lugar sa lungsod.
Batay sa report ng ni Sub Station 2 Commander Cpt. Joseph Almayda, nagsasagawa ng pagpapatrolya ang kanyang mga pulis bandang ala-2:40 ng madaling araw sa Nirvana Street corner J.P Rizal Street, Brgy. Tugatog, Malabon City na bahagi ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO).
Napansin ng mga pulis ang suspek na si Chestone Jacob Javier na may hawak na heat sealed sachet na nasa 0.76 grams at nagkakahalaga ng P5,168.00 kaya agad itong kinalawit.
Dinakip si Javier dahil sa paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) sa ilalim ng Article II of R.A. 9165.
Bandang alas-3:10 naman ng madaling araw kahapon nang arestuhin si Jomel Tuazon sa East Riverside Street, Brgy. Potrero, Malabon City.
Nagpapatrolya rin ang mga tauhan ni Cpt. Manny Ric Delos Angeles ng Sub Station 1 nang matiyempuhan si Tuazon na may bitbit heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng white crystalline substance o shabu na nagkakahalaga ng P3,400.00.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) sa ilalim ng Article II of R.A. 9165 laban sa dalawang drug suspect.