LTO sinuspinde rehistro, plaka ng truck

Fatal Katipunan accident

MANILA, Philippines — Sinuspinde ng 90 araw ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang  rehistro ng truck na sangkot sa Katipunan flyover accident na ikinasawi ng  apat katao at ikina­sugat ng  25 iba pa noong Disyembre 5.

Ang suspensiyon ayon kay Mendoza ay batay sa resulta ng imbestigasyon na may road worthiness problem ang Isuzu Wing Van Truck with Plate No. RJK719  na minamaneho ni  Richard Mangupag.

“We found out during the investigation that the same truck’s registered engine number is different from the engine recorded in the findings of the North Motor Vehicle Inspection Center (NMVIC) team,” ani  Mendoza.

Lumilitaw din aniya na  hindi na dapat pang nagbibiyahe ang truck na  ilang beses nang  nahuli dahil sa kasong overloading mula 2021  hangggang 2023.

Dagdag pa ni Mendoza, kinumpiska rin ang plaka ng  truck dahil na rin sa traffic violation records at discrepancy sa registration.

Matatandaang matapos ang malagim na aksidente, naglabas na rin ang  LTO  Show Cause Order (SCO) laban kay Mangupag at sa registered owner ng truck. Napag-alaman na ang truck ay nakare­histro sa kompanya na nagma-manufacture ng  asukal.

Pinangunahan ni  Mendoza ang imbestigasyon kung saan bigo  ang mga may-ari ng sasakyan na dumalo sa pagdinig.

Nilinaw ni Mendoza na hindi lamang ang  truck driver ang  sinisiyasat ng LTO kundi maging ang pagkuha ng  kompanya ng mga pasaway na driver.

Show comments