MANILA, Philippines — Pinayuhan kahapon ni Commission on Election (Comelec) chairman George Garcia ang mga botante na huwag maniwala sa mga matatamis na pananalita at pangako ng mga politiko tuwing eleksiyon.
“Sa ating mga kababayan, nasa sa inyo ang mandato kung kayo ay naniniwala sa politiko. At pangalawa, kung inyong kakagatin ang mga ganung klaseng pangako ng mga kandidato, “ani ni Garcia sa isang media interview.
Aniya, maghihigpit ang Comelec sa vote-buying at vote selling sa sandaling pumasok na 90-day election campaign sa Pebrero at 45-day local campaign sa Marso.
Ayon kay Garcia, nasa mandato ng mga botante kung paniniwalaan nila ang mga sinasabi ng kandidato matapos maging viral ang video kung saan ay nag-anunsyo na mamahagi ng lupa sa isang kaniddato sa Las Piñas City.
Sinang-ayunan ni Las Piñas Councilor Mark Anthony Santos ang mga pahayag ni Garcia kung saan ay hiniling nito sa Comelec ng monitoring team para maiging mabantayan ang vote-buying sa lungsod tuwing election.
Noong nakaraang buwan, hiniling din ni Santos sa Comele na isama ang lungsod sa listahan ng mga potensyal na lugar ng pag-aalala sa May 2025 midterm elections matapos na ‘bully’ ng isang kandidato.
Ayon sa Artikulo 12 ng Omnibus Election Code, ang pagbili ng boto at pagbebenta ng boto ay mga pagkakasala sa halalan na pinarurusahan ng pagkakulong ng hindi bababa sa isang taon ngunit hindi hihigit sa anim na taon—bilang karagdagan sa iba pang mga parusang itinatadhana ng batas.