Bodega ng mga smuggled agricultural products ni-raid ng CIDG

MANILA, Philippines — Dahil sa reklamo ng talamak na bentahan ng mga imported na agricultural products, dalawa katao na sinasabing nagbebenta nito ang dinakip ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang entrapment operation sa Taguig City.

Kinilala ni CIDG chief Brig. Gen. Nicolas Torre III ang mga suspek na sina “Mary Ann” at “Israel” ng Lucky Farmers Fruits and Grocery Store, sa Veterans Road, Brgy. Western Bicutan, Taguig City na inaresto ng mga tauhan ng CIDG Regional Field Unit (RFU) NCR, Southern Police District (SPD), Department of Agriculture, Bureau of Plant Industry (BPI) bandang alas-6 ng gabi nitong Lunes.

Nabatid na nakabili ang mga ope­ratiba ng mga puting imported scallion at nangberipikahin sa BPI, lumitaw na hindi awtorisado ang mga ito na magbenta at ng nasabing mga agricultural products.

Dinala na sa CIDG RFU NCR ang mga suspek at sasampahan ng paglabag sa “The Consumer Act of the Philippines”.

Ayon naman kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, ang nasabing operasyon ay bahagi ng kanilang pagsugpo sa smuggling hoarding at profi­teering ng mga agricultural products.

Una nang sinabi ni Marbil na suportado nila ang pagpapatupad ng ng Republic Act (RA) 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Dagdag ni Marbil, dapat lamang na makasuhan ang mga indibiduwal na sangkot sa economic sabotage.

Show comments