Bebot nadukutan matapos magsimba, suspek kulong

MANILA, Philippines — Kulong ang isang babaeng mandurukot nang mambiktima ng isang mass goer sa tabi pa mismo ng isang simbahan sa Tondo, Manila sa mismong araw ng Pasko kahapon.

Ang suspek na si Princess Nicole Santos, 24, ng Proprietarios St., Pasay City ay inaresto matapos na dukutan ang biktimang si alyas ‘Jeraldin,’ 24, call center agent, at residente ng Sta. Ana, Manila.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Police Station 2 (PS-2) nabatid na dakong alas-11:00 ng umaga nang maaresto ang suspek sa tabi ng Sto. Niño de Tondo Parish Church, na matatagpuan sa Chacon St., kanto ng Nicolas Zamora St., Tondo.

Batay sa reklamo ng biktima, kasalukuyan umano siyang naglalakad sa gilid ng simbahan matapos na dumalo sa isang Christmas Day mass, nang dikitan siya ng suspek at dukutin ang isang pulang angpao na nasa loob ng kanyang bag at naglalaman ng P1,200.

Naramdaman naman umano ng biktima ang ginawa ng suspek kaya’t kaagad na humingi ng tulong sa mga pulis na nagbabantay sa lugar, na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek at pagkabawi ng perang kanyang tinangay.

Nakapiit na ang suspek at mahaharap sa kasong theft (pickpocket) sa piskalya.

Show comments