MANILA, Philippines — Ngayong holiday season, muling nagpaalala sa publiko ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit at pagbebenta ng paputok o anumang uri ng pyrotechnic device.
Sa Facebook post ng City Government of Muntinlupa, may kaukulang multa ang mga lalabag alinsunod sa City Ordinance no. 14-092 at City Ordinance No. 04-022.
Nasa P1,000.00 hanggang P5,000.00 ang multa sa “manufacture, display, sale, distribution, possession or use of firecracker or pyrotechnic devices” at posibleng masuspinde o mapawalang-bisa ang permit at license to operate.
Multang mula P2,000.00 naman hanggang sa P7,000.00 ang kakaharapin ng gagamit ng modified muffler/pie at iba pang iligal na modification, bukod pa sa malalabag sa ilalim ng traffic laws.
Layunin ng 2 ordinansa na maiwasan ang mga aksidenteng dala ng mga paputok at sobrang usok na masama sa kalusugan at sobrang ingay na dala ng open muffler at iba pang iligal na modification.
Hindi rin pinapayagan ang pagsasagawa ng mga motorcades o parada na walang kaukulang permit mula sa Tanggapan ng Punong-Lungsod sa pamamagitan ng Muntinlupa Traffic Management Bureau (MTMB). Ito ay upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa komunidad.
Pinapayagan lamang ang community fireworks display na may karampatang permit mula sa LGU, Philippine National Police at Bureau of Fire Protection at ang mga sumusunod sa nakasaad sa ordinansa.