Namboso sa Nene, tinodas ng stepdad

Ang biktimang si alyas Eloy, 54, at residente ng Kamote Area, GK Compound sa Tondo ay nasawi bunsod nang tatlong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
STAR/File

MANILA, Philippines — Isang watch technician ang patay nang pagbabarilin ng stepfather ng 12-anyos na umano’y kanyang sinisilipan at tinangkang halayin kamakalawa sa Tondo, Maynila.

Ang biktimang si alyas Eloy, 54, at residente ng Kamote Area, GK Compound sa Tondo ay nasawi bunsod nang tatlong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Tugis naman na ng mga awtoridad ang suspek na si alyas Roy 40, isang cellphone technician, na residente rin ng naturang lugar.

Lumilitaw sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section na dakong alas-3:00 ng hapon nang maganap ang krimen sa tapat ng Building 4, Helping Compound, sa Tondo.

Nauna rito, nagsumbong umano ang nene sa kanyang  stepfather na sinisilipan siya ng biktima habang naliligo sa banyo.

Kaagad umanong lumabas ng banyo ang paslit ngunit hinarang siya ng biktima at inutusang isubo ang kanyang pagkalalaki.

Tinutukan pa umano ng patalim ng biktima ang paslit at pinagbantaang papatayin ang kanyang mga magulang kung hindi niya gagawin ang gusto nito.

Nakatakbo naman umano ang nene at nakapagsumbong sa kanyang stepfather hinggil sa nangyari.

Dahil dito, nagalit ang suspek at kaagad na hinanap ang biktima na nang matagpuan ay kaagad na pinagbabaril.

Nang matiyak na napuruhan ang biktima ay mabilis nang tumakas ang suspek, lulan ng isang itim na motorsiklo.

Show comments