COTABATO CITY , Philippines — Nagalak ang mga Manobo tribal leaders sa pagkakatanggap nitong Biyernes ng mga bagong sapatos ng may 500 na batang sakop nila sa Magpet, Cotabato mula sa dating magkalabang mga pulitiko na nagtutulungan ngayon para sa mga programang pangkapayapaan.
Sa ulat, magkatuwang na isinagawa nina Cotabato Gov. Emmylou Taliño Mendoza at dating katunggali niyang gobernadora ng probinsya na si Nancy Catamco, ang naturang humanitarian mission sa Manobo Elementary School sa Barangay Manobo sa Magpet, isang ancestral domain ng tribong Manobo.
Dating magkalaban sa pulitika sina Mendoza at Catamco, na reelectionist governor ng siya ay tinalo noong 2022 elections ng kasalukuyang gobernadora.
Abot sa 500 na mga batang Manobo na mag-aaral ang nabigyan ng mga bagong sapatos ni Mendoza at Catamco, na isa ring tribal leader sa probinsya, sa kanilang outreach mission sa Barangay Manobo.
Nagpahayag ng kagalakan ang mga Manobo tribal leaders sa Magpet, isa sa 17 na bayan sa Cotabato, sa pagiging magkaibigan na nina reelectionist Mendoza at Catamco na hindi kandidato sa anumang puwesto na 2025 elections.