MANILA, Philippines — Isang Korean national ang sugatan nang aksidenteng mabaril ang kanyang sarili sa noo habang nagpapractice ng shooting kamakalawa sa Cubao, Quezon City.
Ginagamot sa St Luke’s Medical Center, Quezon City ang biktimang si “Han” matapos na magtamo ng tama ng bala ng baril sa noo.
Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) nangyari ang insidente bandang alas-5 ng hapon sa loob ng Strong Hand Firing Range sa Cubao, Quezon City.
Nagpa-practice ng shooting ang biktima habang nakaasiste ang range officer na si Lenere Loguera Cabaron.
Makaraan ang ilang putok, nilinis ng biktima ang kanyang baril subalit bigla na lamang pumutok at tumama sa kanyang noo.
Ang insidente ay nakuhanan ng CCTV.
Nagsasagawa pa rin ng pagsisiyasat ang pulisya.