MANILA, Philippines — Arestado sa mga tauhan ng Navotas City Police ang isang Chinese national at live-in partner nito sa isang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakasabat sa higit P15 milyong halaga ng iligal na droga kahapon ng umaga sa Navotas City.
Nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5 (Sale) at Section 11 (Possession of Dangerous Drug), Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek na sina RongShi, 40, alyas William at Rose Martinez, 28, kapwa residente ng Brgy. Manganvaka, Subic Zambales.
Batay sa tinanggap na report ni Navotas City Police chief PCol. Mario Cortes, isinagawa ang buybust operation bandang alas-6:16 ng umaga sa Road 10, Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN) kung saan nakuha sa mga suspek ang apat na malalaking zip-lock bag na naglalaman ng white crystalline na pinaniniwalaang shabu, thermal insulated tote bag, digital weighing scale, dalawang heat-sealed sachets ng shabu, cellphone, isang Honda Jazz vehicle, at marked money na ginamit sa operasyon.
Nabatid kay Cortes na ang operasyon ay kasunod ng impormasyon mula sa confidential informant na magkakaroon ng transaksiyon ang mga suspek. Agad nagsagawa ng beripikasyon ang mga pulis hanggang sa ikasa ng Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni PCpt Luis Rufo, Jr. at PCpt. Gregorio Cueto katuwang ang CID-IG sa pamumuno ni PCpt. Felcerfi Simon sa nabanggit na address.
Nagsilbing poseur-buyer si PSSg Flosine-Mar Nebre na bumili ng ?120,000.00 halaga ng shabu sa mga suspek hanggang sa ibigay ang hudyat. Hindi na nakapalag pa ang mga suspek.
Ayon naman kay Mayor John Rey Tiangco ang pagkakasamsam ng mga droga ng Navotas Police ay indikasyon na puspusan ang kanilang kampanya laban sa iba’t ibang krimen partikular sa bentahan ng iligal na dorga.
Pinuri ni Tiangco ang mga pulis sa mabilis na pag-aksiyon.
“Ang tagumpay na ito ay dahil sa suporta at malasakit ng bawat isa. Patuloy po nating bantayan ang ating komunidad at mag-report sa mga kahina-hinalang aktibidad. Sama-sama nating labanan ang droga,” ani Tiangco.
Hinikayat ni Tiangco ang mga Navoteños na ireport sa kanila ang mga kahina-hinalang kilos o anumang gawain sa kanilang lugar.
Maaari ito ireport official city social media platforms o sa TXT JRT platform: Globe: 0917-521-8578, Smart: 0908-886-8578 at Sun: 0922-888-8578.