MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 7 milyong pasahero ang dadagsa sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at iba’t ibang pier sa bansa para magdiwang ng Pasko at Bagong Taon sa piling ng mga mahal sa buhay sa mga lalawigan, ayon sa Department of Transportation (DOTr) nitong Lunes.
“Three million ang inaasahang dadagsa diyan sa PITX, so land ‘yan. Four million ang inaasahan sa mga pier, mga sea ports…four million ang dadagsa hanggang next month, I think first two weeks of January,” ani DOTr Executive Assistant to the Secretary Jonathan Gesmundo sa Bagong Pilipinas Ngayon forum.
Una nang nag-isyu ng policy at road adjustments ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para tugunan ang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero tuwing holiday.
Pinalawig ng LTFRB ang bisa ng special permit pampublikong sasakyan hanggang Enero 10, 2025, mula sa unang Enero 4, 2025 sa posibilidad na pahabain din ng ilang biyahero ang kanilang bakasyon.
Tiniyak din ng LTFRB na may karagdagang 5,000 slots para sa ride-hailing services sa Metro Manila sa gitna ng mataas na demand ngayong kapaskuhan.
Una na ring inihayag ng MMDA na pahihintulutan ang mga provincial bus na dumaan sa EDSA simula Disyembre 20 hanggang Enero 2 para sa mas mabilis na turnaround time at para ma-accommodate ang mas maraming pasahero.
Sa Disyembre 20-25 simula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga ay maari silang dumaan sa EDSA habang sa Dis. 26 hanggang Enero 2, 2025, ang mga bus na ito ay papayagan sa nasabing major thoroughfare 24 oras.
Pinahaba naman ng Metro Rail Transit at Light Rail Transit system kanilang operasyon.