MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na 47 Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang nananatili sa bansa kung saan iinspeksiyunin nila ang mga ito sa Disyembre 15 upang tuluyan nang maipasara at makita ang kanilang mga visa.
“As of now ang concentration namin ay ‘yung 47 remaining active licenses. So Dec. 15 umpisa na kami ng visitation sa lahat ng mga sites nila. Dapat pinakita nila na winding down na at inaccount na namin ang lahat ng visas ng mostly Chinese nationals na pumunta rito na working visa para sa POGO. So may interconnection ang dalawa. after wala na ang POGO dapat umalis sila sa bansa kasi wala na silang working visa dito hindi na valid,” ani Remulla.
Ayon kay Remulla, guerilla operation at maliliit na lang ang mga natitira kung saan mga Pilipino na ang nagsasagawa ng operasyon matapos na matututo sa mga unang nag-operate ng POGO.
“Kahit lisensyado ka, Pilipino, Chinese, American basta POGO license ka Dec. 15 wind down ka, Dec. 31 dapat sarado na,” dagdag pa ni Remulla.
Una na ring inatasan ni Remulla ang mga local chief executives na magsagawa ng inspeksiyon sa kani-kanilang nasasakupan at tiyakin upang masiguro na walang nag-o-operate na POGO kung saan gamit na front ang mga legitimate businesses tulad ng mga restaurants at resorts.
Tiwala rin si Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) executive director Undersecretary Gilbert Cruz na mawawala ang lahat ng POGO remnants.
“Even if they turn to smaller groups, they would still converge and the indicators are still there. The indicators are obvious, especially at night. As I have said before, they are open at night because of our time zone. Their victims are operating in an opposite time zone,” pahayag ni Cruz.
Dagdag pa ni Cruz, may mga LGUs na makakasuhan na sangkot sa operasyon ng illegal POGO.