MANILA, Philippines — Matapos na maospital at sumailalim sa check up, naibalik na sa Camp Crame si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy matapos maospital.
Ito naman ang sinabi ni Philippine National Police spokesperson PBGen. Jean Fajardo kung saan alas-5:20 ng hapon ng Sabado nang muling ipasok sa PNP Custodial Center si Quiboloy.
Matatandaan na isinugod si Quiboloy sa Philippine Heart Center (PHC) dahil sa paninikip ng dibdib at mabilis na pintig ng puso o palpitasyon noong nakaraang linggo.
Nobyembre 8 nang lumabas sa pagsusuri ng PNP Health Service, na nakararanas ang religious leader ng ‘atrial fibrillation in rapid ventricular response’ o irregular heartbeat.
Dahil dito, inirekomenda ng PNP health service na isailalim agad si Quiboloy sa medical test dahilan para hilingin ng kampo nito sa korte na madala ang pastor sa ospital.
Nahaharap ang KOJC leader sa non-bailable na kasong qualified human trafficking at paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.