MANILA, Philippines — Tatlong high value individuals ang dinakip ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa isinagawang anti-illegal drug operations sa Valenzuela at Navotas City.
Kinilala ni NPD Director PCol. Josefino Ligan ang mga suspek na sina alyas Choy,35; alyas Mark, 35 at alyas Buboy,33 kapwa residente ng Navotas City.
Sa Valenzuela City, alas-4:50 ng madaling araw kahapon nang isagawa ng mga tauhan ni Valenzuela City Police chief PCol. Nixon Cayaban ang mga buy-bust operations sa B. Juan St., Brgy. Ugong.
Agad na kinalawit si alyas Choy nang magkabayaran at nakuha ang 3 piraso ng transparent plastic brick dried leaves na pinaniniwalaang marijuana na nagkakalaga ng P267,000; buy-bust money; cellphone; digital weighing scale at coin purse.
Hindi rin nakawala sa mga tauhan ni PCol. Mario Cortes, hepe ng Navotas City Police sina alyas Mark at alyas Buboy nang ikasa ang buy-bust bandang alas -12:35 ng madaling araw sa sa Lapu Lapu St., Brgy. Bangkulasi, Navotas City.
Sa koordinasyon ng SDEU sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nakumpiska ang nasa 15.16 gramo ng shabu na may standard drug price of P103,088.00.
Ang tatlong drug suspects ay sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act.