Lalaki timbog sa pag-aamok, pagbibitbit ng baril

MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang lalaki na nagwawala habang may bitbit na baril sa Valenzuela City.

Kasong paglabag sa Art. 151 ng RPC at RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang kakaharapin ng naaresto na si alyas Aries, 25, at residente ng Bulacan.

Sa ulat na tinanggap ni Northern Police District (NPD) Director PCol. Josefino Ligan mula kay Valenzuela police chief PCol. Nixon Cayaban, isang concerned citizen ang dumulog sa Detective Management Unit (DMU) ng Valenzuela City Police bandang alas-4:20 ng madaling araw nitong Linggo hinggil sa umano’y pagwawala ng isang lalaki habang dala ang isang baril sa Flaviano St., Brgy. Karuhatan

Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Valenzuela Police DMU kung saan nakita nila ang suspek na may hawak na baril at gumagawa ng kaguluhan na nagbigay ng takot sa mga residente sa lugar.

Bigla namang isinukbit ng suspek ang baril sa kanyang baywang nang mapansin ang mga pulis. Subalit hindi rin huminto ang mga pulis at dinakip ang suspek.

Nakumpiska sa suspek ang isang cal. 38 revolver na kargado ng tatlong bala na walang lisensiya.

Sasampahan ng kasong illegal possession of firearms ang suspek.

Show comments