MANILA, Philippines — Nananatiling matatag ang savings at shelter financing ng Home Development Mutual Fund (HDMF), o mas kilala bilang Pag-IBIG Fund sa ikatlong quarter ng 2024.
Ito naman ang iniulat ni Domingo Jacinto, Jr., Acting Vice President ng Pag-IBIG Fund sa kanyang pagharap sa Kapihan sa Bagong Pilipinas kahapon.
Ayon kay Jacinto, umabot sa P98.72-B ang kabuuang naipon ng mga miyembro ng Pag-IBIG para sa 3rd quarter kung saan P49.27-B ang mula sa Regular Savings program at P48.86 bilyon mula sa boluntaryong MP2 savings.
Mula rin Enero hanggang Setyembre ng 2024, higit sa 2.5 milyong miyembro ang nakapag-avail ng Multi-Purpose Loan na umabot sa kabuuang P49.72-B.
Habang nakapaglabas din ito ng P88.17-B pondo para sa 61,597 housing loan borrowers.
Samantala, nasa 461,000 biktima rin ng iba’t ibang kalamidad ngayong taon ang natulungan sa Pag-IBIG Calamity Loan.
Bukod sa calamity loan, inaprubahan din ng Pag-IBIG Fund ang pagpapatupad ng isang buwang moratorium para sa bayad sa housing loan ng mga apektadong borrower na naninirahan at nagtatrabaho sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity dahil sa Bagyong Kristine.
Maaari pang mag-apply ang mga kwalipikadong miyembro sa naturang moratorium program hanggang Disyembre 31, 2024, sa pamamagitan ng Virtual Pag-IBIG o sa pinakamalapit na sangay ng Pag-IBIG.