Misis itinumba sa harap ng anak

Kinilala ang nasawi na si Danica Anna Del Puso, residente ng Arellano St., Barangay 732 Malate, Manila.
STAR/File

Patung-patong na utang

MANILA, Philippines — Patay ang isang 37- anyos na misis nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa harap mismo ng kanyang anak kamakalawa ng gabi sa Malate, Maynila.

Kinilala ang nasawi na si Danica Anna Del Puso, residente ng Arellano St., Barangay 732 Malate, Manila.

Sa inisyal na ulat, naganap ang pamama­ril alas-9:30 ng gabi ng Nobyembre 10, sa Arellano St., Malate, Maynila.

Kuwento ng asawa ng biktima na si alyas Rey, kauuwi lang ng kanyang mag-ina nang­ ­mangyari ang krimen. Inakala niyang putok ng kwitis lang ang mga putok.

Nagulat na lamang siya ng makita ang duguang misis habang takot na takot naman ang kanyang anak.

Halos ubusin ng mga suspek ang magazine sa katawan ng biktima kung saan nagtamo ito ng apat na tama ng bala ng baril sa ulo.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, tinitignang motibo ang umano’y patung-patong na utang ng biktima.

“Base po dun sa record namin sa barangay, tinitignan po talagang puno’t dulo eh mga utang, may mga multiple cases po kasi kami na naka-blotter po siya for loans,” ayon sa isang kagawad.

Sinabi naman ni Manila Police District Spokesperson PMajor Philipp Ines, tuluy-tuloy ang ginagawang follow up operation upang mahuli ang mga suspek na tumakas sa direksiyon ng Quirino Highway.

Show comments