NCRPO chief, 14 iba pa kinasuhan ng extortion

National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major General Sidney Hernia and Manila Police District (MPD) director Police Brigadier General Thomas Ibay lead the inspection of the Manila North Cemetery ahead of the All Souls' Day and All Saints’ Day.
Edd Gumban/The Philippine STAR

MANILA, Philippines — Pormal na naghain ng reklamo ang apat na Chinese national laban kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major General Sidney Hernia at 14 na iba pang pulis dahil sa umano’y pangingikil kasunod ng pagsalakay sa Century Peak Tower sa Maynila.

Nagtungo sa National Police Commission (NAPOLCOM) ang apat na Chinese citizens na inaresto ng PNP Anti-Cybercrime Group sa raid laban sa Online scammers, para humingi ng tulong.

Sa reklamo na naka-address kay Interior Secretary Jonvic Remulla, sinabi ng mga complainant na iligal ang pagdakip sa kanila at hindi sila binasahan ng arresting officers ng kanilang mga karapatan.

Isa sa mga dayuhan ang nagsabing tinangka pa ng mga pulis na kikilan sila ng tig-isang milyong piso kapalit ng abogado na umano’y may koneksyon sa matataas na opisyal sa NCRPO para sila ay makalaya.

Nakipagtawaran umano ang mga Tsino sa mga pulis nang hanggang kalahating milyong piso bawat isa.

Dito na nakakuha ng pagkakataon ang mga complainant para makatawag at makausap ang kanilang mga pamilya at kaibigan .

Sa halip na lumikom ng pera, hiniling umano nila na magpadala ng abogado upang tulu­ngan sila sa kanilang problema.

Sa inihaing kasong administratibo, hiniling din nila na isailalim sa preventive suspension ang mga inirereklamo upang hindi maimpluwensyahan ang isasagawang imbestigasyon.

Subalit mariin namang itinanggi ni Hernia ang alegasyon kasabay ng pahayag na  hindi nila kinukunsinti ang  maling gawain ng pulis.

“Hindi ko kukunsintihin ang anumang maling gawain sa loob ng aming hanay, at mahigpit kong hinihimok ang mga nag-aakusa na patunayan ang kanilang mga pahayag sa tamang forum. Lubos na tinatanggap ng NCRPO ang anumang imbestigasyon sa usa­ping ito, dahil ito ay magbibigay ng magandang pagkakataon upang patunayan ang pagiging regular at legal ng ating mga aksyon,” ani Hernia.

Show comments