Quezon City LGU nagkaloob ng P10 milyong tulong sa 9 na LGU sa Bicol

Ito ay naisagawa sa pamamagitan nang naaprubahang Resolution No. SP-9833 sa special session ng QC Council kamakalawa.
PNA / Photo courtesy of OCD-5

MANILA, Philippines — Nagkaloob ang Quezon City government ng P10 milyong halaga ng financial assistance sa siyam na local government units (LGUs) sa Bicol region na higit na sinalanta ng bagyong “Kristine.”

Ito ay naisagawa sa pamamagitan nang naaprubahang Resolution No. SP-9833 sa special session ng QC Council kamakalawa.

Nakasaad sa naturang resolosyon na inootorisahan ng konseho si Mayor Joy Belmonte na maglaan ng financial aid sa siyam na LGUs sa Bicol.

Ang pitong LGUs sa Camarines Sur ay tatanggap ng P8 million, Iriga City ay tatanggap ng P2 million samantalang ang mga bayan ng Bato, Nabua, Bula, Buhi, Pili at Tinambac ay tatanggap ng P1 Milyon habang ang bayan ng Libon at Guinobatan sa Albay Province at tatanggap ng tig P1milyon.

Sinabi ni Mayor Belmonte na ang naturang mga lugar ang napiling mabigyan ng financial aid batay sa rekomendasyon ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council sa pamamagitan ng Resolution No. 8, S-2024.

“Ito’y bahagi ng aming tungkulin na tulungan ang aming kapwa lokal na pamahalaan para sila’y makabangon mula sa epekto ng kalamidad.Nagpapasalamat tayo sa ating Quezon City Council, sa pangunguna ni Vice Mayor Gian Sotto, at sa ating mga konsehal sa pagkilos na ito. Umaasa tayo na malayo ang mararating ng tulong na ito para sa mga taga-Bicol,” ayon kay Mayor Belmonte.

Ang financial aid ay kukunin sa Quezon City’s accumulated Local Disaster Risk Reduction and Management (LRDDM) Trust Fund.

Show comments