MANILA, Philippines — Nalambat ng mga awtoridad ang isang Malaysian national sa isinagawang entrapment operation matapos mangikil sa isang Chinese national, kapalit ng pag-atras sa kasong kidnapping, sa Makati City. Nakapiit na sa custodial facility ng Makati City Police Station ang suspek na si alyas “Leon” 34 taong gulang, na nahaharap sa reklamong robbery extortion o Article 294 ng Revised Penal Code.
Nabatid na dakong alas-10:40 ng gabi ng Oktubre 29, 2024 nang maaresto ang suspek sa isang luxury condominium sa Poblacion, Makati bunsod ng reklamo ng alyas Ziyao, 29 na hiningan ng suspek ng P120,000.00.
Ayon sa biktima sinabihan siya ng suspek na kung maibibigay umano ang nasabing halaga ay iaatras na ang kasong kidnapping at kung hindi naman ay ilalabas sa social media ang kopya ng passport ng Chinese national.
Dahil dito, dumanas ng matinding pagkabalisa at takot ng biktima kaya dumulog sa pulisya, kasama ang testigong si alyas “Eugene”.
Ikinasa ang entrapment operation at nagkita ang dalawa sa isang residential building kung saan iniabot ng biktima ang dalang pera, na naging hudyat naman sa mga nakaposteng operatiba upang siya ay dakpin.
Narekober sa suspek ang 10 pirasong genuine P1,000 bills at boodle money sa kabuuang P120,000.00.