116 dayuhan at Pinoy arestado sa scam hub sa Maynila

Ayon kay PCol. Jay Guillermo, hepe ng Cyber Response Unit sa PNP ACG, 47 ang Pilipino, 25 ang Chinese national, 34 ang Indonesian, at 10 ang Malaysian na dinatnan habang nasa harap ng kanilang mga computer sa umano’y sa live online love scam at cryptocurrency investment scam, alas-9:00 ng gabi.
Pixabay

MANILA, Philippines — Dinakip ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang nasa 116 empleyado ng isang scam hub sa pagsalakay sa isang establisyemento sa Adriatico St., sa Malate, Maynila, Martes ng gabi.

Ayon kay PCol. Jay Guillermo, hepe ng Cyber Response Unit sa PNP ACG, 47 ang Pilipino, 25 ang Chinese national, 34 ang Indonesian, at 10 ang Malaysian na dinatnan habang nasa harap ng kanilang mga computer sa umano’y sa live online love scam at cryptocurrency investment scam, alas-9:00 ng gabi.

Sinabi ni Guillermo, may complainant na nagbigay ng impormasyon hinggil sa love scam operation sa ika-23 palapag na kanilang inaplayan ng search warrant bago salakayin.

Modus umano ng mga empleyado ang magpanggap na nag­hahanap ng karelas­yon hanggang sa makumbinse na mag-invest sa cryptocurrency.

Gumagawa ng iba’t ibang account ang mga empleyado at tinatarget ang mga indibidwal sa iab’t-ibang bansa, gamit ang translator upang palabasin na sila ay kababayan na naroon lamang sa kanilang bansa, gayung nasa Pilipinas ang operasyon.

May ilang beses na umanong ni-raid ang nasabing establisimyento dahil kanselado na ang lisensya nito noong Nob­yembre 2023.

“Parang automatic na kapag ikaw ay Indonesian, may automatic translator na foreign language. So siyempre kung ako mag-e-encode – Malaysian, Chinese. I-e-encode ko muna sa aking language tapos automatic na mag-a-appear sa sinong kausap niya online. ‘Yun ang script niya ngayon,” ani Guillermo.

Nakikipag-ugnayan na sa Bureau of Immigration (BI) ang PNP-ACG upang matukoy ang status ng mga dayuhan, habang wala namang ‘Big Boss’ na nadakip sa nasabing raid.

Bubusisiin din ang mga computer at iba pang gadgets na nakalap sa sa raid na pagbabatayan sa isasampang mga kaso.

Show comments