MANILA, Philippines — Dahil sa pinsalang inabot sa pananalasa ng bagyong Kristine, nagdeklara na kahapon ang Quezon City government ng state of calamity.
Ito ay makaraang aprubahan sa special session ng QC Council sa pangunguna ni Vice Mayor Gian Sotto at Majority Leader Doray Delarmente ang isang resolusyon hinggil sa pagsasailalim sa state of calamity sa lungsod.
“We declared a state of calamity so we could use our quick response fund for immediate rehabilitation of affected infrastructure like retaining walls, and for swift clean up as we will need additional trucks and equipment to clear fallen trees and collect debris,” pahayag ni Mayor Joy Belmonte.
Niliwanag ng alkalde na ang pagsasailalim sa state of calamity sa QC ay magbibibigay daan sa mga barangay na magamit ang kanilang Quick Response Funds para matulungan ang mga constituents na naapektuhan ng pagbaha dulot ng matinding pag- ulan na dala ng bagyong Kristine.
Samantala, agad na nagpaabot ng tulong ang QC-LGU sa mga pamilyang nasalanta ng bagyong Kristine na nanunuluyan sa iba’t ibang evacuation center sa lungsod.
Sa District 1, sa pangunguna ng QC LGU ay namahagi si Councilor Charm Ferrer ng bigas sa mga pamilyang evacuees sa mga barangay ng Masambong, Bahay Toro, Project 6, Del Monte, Damayan at Manresa. Kinamusta rin nito ang lagay ng mga apektadong residente at namahagi rin ng tsinelas at hot meals.
Namahagi rin naman ng tulong si Congressman Arjo Atayde para sa mga nasalanta sa Distrito Uno. Bukod pa ito sa naibigay na tulong ng tanggapan ni Mayor Belmonte sa mga QCitizens na sinalanta ng bagyo.
Batay sa pinakahuling tala ng QC LGU, aabot sa 2,200 na pamilya o 7,278 na indibidwal ang inilikas sa evacuation centers sa lungsod dahil kay Bagyong Kristine.