2 Koreanong ‘wanted’ timbog ng BI

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang mga naarestong dayuhan ay sina Seo Jungchul, 37, na nahaharap sa kasong ilegal na droga, at naaresto sa Clark Freeport Zone sa Angeles City, Pampanga noong Oktubre 7, at si Choi Jonguk, 42, na nahaharap sa kasong illegal gambling at nadakip noong Oktubre 12 sa isang sikat na entertainment area sa Brgy. Tambo, Pa­rañaque City.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

MANILA, Philippines — Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) Fugitive Search Unit (FSU) ang dalawang South Korean na wanted sa kanilang bansa dahil sa magkaibang kaso.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang mga naarestong dayuhan ay sina Seo Jungchul, 37, na nahaharap sa kasong ilegal na droga, at naaresto sa Clark Freeport Zone sa Angeles City, Pampanga noong Oktubre 7, at si Choi Jonguk, 42, na nahaharap sa kasong illegal gambling at nadakip noong Oktubre 12 sa isang sikat na entertainment area sa Brgy. Tambo, Pa­rañaque City.

Nabatid na si Seo ay subject ng isang deportation order na inisyu noong 2019 dahil sa pagiging undesirable alien. Inisyuhan siya ng warrant of arrest ng Seoul Central District Court noong 2017 dahil sa kasong paglabag sa narcotics control act sa kanilang bansa.

Sangkot umano siya sa pagbili, paggamit at pagbebenta ng Philopon, na isang uri ng methamphetamine, na isa sa mga commonly abused drug substance sa Korea at subject ng isang Interpol red notice at overstaying na sa Pilipinas upang makaiwas sa pag-aresto at prosekusyon sa mga krimeng kinakaharap niya sa Korea.

Samantala, si Choi ay nasa wanted list ng BI simula pa noong 2019 dahil sa kinakaharap na kasong ilegal na pag-operate ng illegal gambling website, na may mga Korean customers, at sumusugal base sa resulta ng mga sports competitions.

Show comments