MANILA, Philippines — Isang 60-anyos na papaalis na pasahero patungong Cagayan de Oro ang inaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 dahil sa pagdadala ng mga bala, ayon sa ulat ng airport authorities kahapon.
Arestado ang suspek na residente ng Pandi, Bulacan matapos madiskubre ng mga tauhan ni Usec. Crizaldo Nieves ng Office for Transportation Security (OTS) ang may 11 piraso ng bala ng caliber .22 sa bagahe ng una sa isinagawang routine baggage screening.
Nabigo ang naarestong pasahero na magbigay ng mga legal na dokumento para sa pagdadala ng mga bala at agad na dinala ng mga tauhan ng PNP-Aviation Security Group (Avsegroup) dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.”
“Ang pag-aresto na ito ay nagbibigay-diin sa hindi natitinag na pangako ng aming Grupo, kasama ng iba pang awtoridad sa paliparan, na tiyakin ang kaligtasan ng mga gumagamit ng paliparan at itaguyod ang batas,” sabi ni Nieves.