MANILA, Philippines — Pinadalhan na ng Land Transportation Office (LTO) ng show-cause order (SCO) ang driver ng isang sasakyan na nag-viral sa social media na umiinom ng alak habang nagmamaneho sa may kahabaan ng 7th Avenue sa Bonifacio High Street sa Global City Taguig noong September 23.
Ang driver at may ari ng naturang sasakyan na taga-Sta Mesa Maynila ay pinalilitaw ng LTO sa October 15, Martes sa LTO Intelligence and Investigation Division sa main office ng ahensiya sa East Avenue Quezon City upang magpaliwanag kung bakit hindi maaaring parusahan at sampahan ng kaso kaugnay nang naganap na insidente.
“Isa itong iresponsableng gawain na naglalagay sa alanganin ng buhay ng mga road users. Mabuti na lamang at hindi ito nagdulot sa isang aksidente. Hindi natin palalampasin ang mga ganitong asal sa kalsada. Kaya tayo ay nag-issue ng Show Cause Order laban sa may-ari ng sasakyan at driver nito,” sabi ni LTO Chief Vigor Mendoza.
Ang driver at may-ari ng sasakyan ay posibleng maharap sa kasong Reckless Driving (Sec. 48 of R.A. 4136), Driving While Under the Influence of Liquor or Narcotic Drug (Sec. 53 of R.A. 4136) ar Improper Person to Operate a Motor Vehicle pursuant to Sec. 27 (a) of R.A. 4136.
Kapag napatunayang nagkasala, ang driver ay babawian ng lisensya ng LTO.