P200 milyong puslit na mga karne, sinunog ng NBI

MANILA, Philippines — Sinunog ng National Bureau of Investigation (NBI) ang may P200 milyong halaga ng puslit na mga karne sa isang treatment storage at disposal facility sa San Ildefonso, Bulacan kahapon.

Ang mga puslit na frozen products ay nakum­piska ng NBI sa isinagawang raid sa isang cold storage facility sa Marilao, Bulacan makaraang makumpirma na ang mga kontrabando ay naibebenta online.

Sinasabing ang kompanya na nagbebenta ng mga frozen meat ay nag-o-operate bilang isang ice plant kaya nagpadala ng subpoena dito upang ipaliwanag kung bakit umaangkat ng mga imported meat products ng walang kaukulang lisensiya.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, takdang kasuhan ng ahensiya ang may-ari ng kompanya kaugnay ng illegal operation.

Ang mga kumpiskadong frozen meat ay hindi na maaaring kainin kaya sinunog na ng NBI at upang hindi na maibenta pa.

“Kailangan daw talaga sirain at ‘yun ang order natin from the court. Delikado ipakain. Sabi ko nga i-donate sa zoo pero delikado raw. Itapon sa dagat, makain ng mga isda, delikado rin,” ani Santiago.

May limang araw umano bago matapos ang pagsunog sa naturang mga puslit na produkto .

Binalaan din ni Santiago ang mga kompanyang may illegal importation ng mga produkto na bilang na ang kanilang araw at mahuhuli rin nila ang mga ito ng Cyber patrolling ng ahensiya.

Show comments