COC filing larga na, libong pulis ikakalat

Aspiring voters flock to a mall in Baguio City on September 30, 2024 to participate on the last day of voter registration for the 2025 midterm elections despite the inclement weather due to Typhoon #JulianPH.

MANILA, Philippines — Kasado na ang pag­hahanda ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa seguridad sa mga lugar na pagdadausan ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga kakandidato sa 2025 national at local elections, na magsisimula ngayong araw.

Sinabi ni NCRPO Director, P/Major General Jose Melencio Nartatez Jr. na may 1,389 tauhan ng NCRPO ang ipapakalat upang mapahusay ang police visibility sa lahat ng itinalagang lokasyon sa paghahain ng COC, kabilang ang mga tanggapan ng Comelec at iba pang pangunahing lugar.

Inatasan din ni Nartatez ang mga district director na tiyaking may sapat na tauhan na nakatalaga upang pamahalaan ang crowd control, at daloy ng trapiko at magbigay ng tulong sa pamamagitan ng mga help desk para sa mga kandidato at publiko.

Tuluy-tuloy din ang pakikipag-ugnayan ng NCRPO sa Commission on Elections (Comelec), local government units, at iba pang pangunahing stakeholder para matiyak ang maayos na proseso sa rehiyon sa filing ng COC sa loob ng Oktubre 1-8, ani Nartatez.

Tiniyak ng Team NCRPO sa publiko ang kanilang kahandaan na panatilihin ang kapayapaan at seguridad sa buong panahong ito. Ang mga pagpupulong ng koordinasyon sa iba’t ibang ahensya at stakeholder ay nagpapatuloy upang matugunan ang mga posibleng hamon at matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga umuusbong na sitwasyon.

Umapela rin si Nartatez sa publiko na ma­kipagtulungan sa mga awtoridad at igalang ang mga alituntunin at regulasyon na itinakda ng Comelec.

“Let us all work together to make this crucial step in our democratic process peaceful and orderly,” aniya pa.

Show comments