5 miyembro ng Nieves robbery group timbog sa Valenzuela police

Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PMaj.Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga suspek na sina alyas John Ray, alyas Marvin, alyas Rock, alyas Kevin at alyas Dan.

MANILA, Philippines — Arestado sa mga tauhan ng Valenzuela City Police ang limang miyembro ng Nieves robbery hold up group na responsable sa serye ng panghoholdap sa mga gasolinahan sa isinagawang mga follow up operation sa Navotas City at San Jose del Monte, Bulacan.

Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PMaj.Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga suspek na sina alyas John Ray, alyas Marvin, alyas Rock, alyas Kevin at alyas Dan.

Ayon kay Nartatez, ang mga suspek ay responsable sa serye ng holdapan sa CAMANAVA area.

Batay sa record, sinabi naman ni Valenzuela Police chief PCol. Nixon Cayaban unang hinoldap ng mga suspek ang Nation Gasoline nitong Set­yembre 22 at Shell Gasoline nitong Setyembre 24 sa Caloocan City at sumunod ang gasolinahan na Phoenix sa Brgy. Malanday, Valenzuela.

Agad namang nagsagawa ng follow up operation ang Valenzuela Police sa pangunguna nina PMaj. Jose Hizon, PMaj Roel Sison, PCpt Armando Delima at PCpt. Michael Oxina kung saan nagresulta ito  sa sunud- sunod na pagkaka-aresto sa limang suspek  sa Navotas City at San Jose del Monte Bulacan.

Nakuha sa mga suspek ang motorsiklo, patalim, baril at ilang mga personal na gamit ng kanilang mga biniktima.

Ang mga suspek ay remnants ng grupong Nieves Robbery Hold up Group.

Binigyang diin naman ni Northern Police District Director PBGen. Rizalito Gapas, mas pinaigting nila ang police visibility sa CAMANAVA area lalo na ngayong nalalapit na Kapaskuhan.

Pinuri naman ni Mayor Wes Gatchalian ang mabilis na responde ng kanyang mga pulis. Indikasyon lamang ito na hindi pinapayagan ng Valenzuela PNP at LGU na maging biktima ng mga kawatan ang mga negosyo at indibiduwal sa lungsod.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong robbery with violence and intimidation against person.

Show comments