MANILA, Philippines — Ilang araw bago ang filing ng Certificate of Candidacy (COC), nakaranas umano ng panggigipit mula sa kampo ni re-electionist Mayor Vico Sotto ang isang negosyante sa Pasig City na nagpahayag ng kanyang kandidatura sa pagka-alkalde sa susunod na taon.
Ayon kay Curlee Discaya, contractor at may-ari ng Quadruple A builder na St. Gerrard Construction, tatlong kasong kriminal ang umano’y halos sabay-sabay na inihain sa piskalya ng lungsod nitong nakaraang dalawang linggo.
Aniya, Agosto 13, 2024 nang sampahan siya ng tatlong reklamong paglabag sa National Building Code sa piskalya dahil wala umanong building permit at occupancy permit ang tatlong gusaling ipinatayo nito sa iba’t ibang lugar sa lungsod.
Subalit Setyembre 10, 2024 nang lumabas ang resolusyon ng piskalya na nag-abswelto kay Discaya sa 2 reklamo ng paglabag, habang pinagpiyansa naman ng P24,000 sa dalawang kaso dahil sa kawalan naman umano ng occupancy permit.
Sa isa pang hiwalay na reklamo, abswelto rin si Discaya sa reklamong walang building permit bagamat may pananagutan sa kawalan ng occupancy permit, batay sa ipinalabas na resolusyon ni Prosecutor Maria Margarita Aspe noong Setyembre 11, 2024.
Nabatid na ang maybahay ni Curlee na si Sarah Discaya ay nakatakdang maghain ng COC para sa 2025 mayoral race.
Ani Discaya, sumulat siya sa alkalde noong Hulyo 17, 2024 para ire-consider ang P9.6 bilyong proyekto ng lungsod para sa bagong city hall at babaan ang budget nito makatipid at magamit ang pondo sa mga proyektong higit na kailangan ng Pasigueños.
Subalit notice of violation na halaw sa report ng building inspector na hindi naman nag-inspection ang ibinigay sa kanila.