MANILA, Philippines — Umaabot sa 4,230 persons deprived of liberty (PDLs) ng Quezon City Jail ang nabigyan ng libreng medical checkup, pagkain at pangkabuhayan nitong Sabado.
Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology-National Capital Region (BJMP-NCR) Chief Supt. Clint Russel Tangeres, layon ng programa na matiyak ang maayos na kalusugan ng mga PDLs sa QC Jail.
Ang medical mission at feeding program sa mga PDLs ay isinagawa sa tulong ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit’’ Singson.
Ani Singson, handa siyang magbigay ng tulong pangkabuhayan sa mga PDLs alinsunod na rin sa kanilang mga natutunan sa loob ng piitan.
Agad namang nilinaw ng dating gobernador na ang nasabing programa ay walang kinalaman sa kanyang pagtakbo sa Senado sa susunod na taon. Aniya, regular ang kanilang ginagawang mga outreach program.
Bukas din si Singson sa posibleng pagrekomenda sa mga bagong laya na makapagtrabaho sa ibang bansa kabilang ang Taiwan, Japan at South Korea.
Tiniyak naman ni Tangeres, na may mga “after care programs’’ silang ibinibigay sa mga PDLs bilang para sa kanilang pagsisimula ng kabuhayan.
Ayon naman kay QC Jail Warden Supt. Warren Geronimo, bagama’t bukas sila sa mga tulong ng mga private sector, sinisiguro nilang hindi ito makakaapekto sa kalagayan ng mga PDLs. Kapakanan pa rin aniya ng mga PDLs ang kanilang priyoridad.