MANILA, Philippines — Itinutulak na rin ng Quezon City government ang pagpapatupad ng “Carless Sundays” sa kahabaan ng Tomas Morato Avenue sa Quezon City.
Ayon sa QC LGU, magsasagawa sila ng “hybrid public consultation” hinggil sa planong “carless” sa Tomas Morato Avenue tuwing Linggo.
Isasagawa ang consultation sa Agosto 21 sa South Triangle Covered Court at Agosto 24 sa Obrero Old Barangay Hall.
Sa Facebook page ng QC LGU, nakasaad na plano ni Councilor Irene Belmonte ang pagpapatupad ng “car-free” or “carless” sa naturang kalsada.
Sa ilalim ng panukalang ordinansa na “Carless Day and Market Day”, nais nitong ma-regulate ang paggamit sa lugar na mula E. Rodriguez hanggang Sct. Albano. Isasara ang kalsada mula alas-12 ng madaling araw ng Linggo hanggang alas-11:59 ng gabi.
Nabatid na mapapatawan ng parusa ang sinumang hindi susunod sa ordinansa.
“Bukas ito sa publiko upang maibahagi ang inyong komento at rekomendasyon,” anang QC LGU.