Ex-kagawad itinuturong mastermind
MANILA, Philippines — Patay ang isang barangay kagawad sa Maynila nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa harapan ng kanyang anak sa Quiapo, Manila, ayon sa ulat kahapon.
Kaagad na binawian ng buhay ang biktimang si Stella Mangilino Lim, 45, barangay councilor ng Barangay 383, at residente ng Carcer St., Quiapo dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang ligtas naman matapos makatakbo ang kanyang 11-anyos na anak na lalaki.
Samantala, arestado naman ang itinuturong mastermind sa krimen na si Zacaria Disomangcop, 55, street vendor, dating kagawad ng Barangay 383, at residente ng Elizondo St., Quiapo.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang gunman sa pagpatay na si Amanudin Macadaag, residente ng Golden Mosque Compound, Elizondo St., gayundin ang driver ng get-away motorcycle, na di pa tukoy ang identidad.
Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), na inilabas lamang nitong Biyernes, dakong alas-12:05 ng madaling araw ng Agosto 13 nang maganap ang krimen sa Hidalgo St., malapit sa kanto ng Z.P. Guzman St., sa Quiapo.
Base sa CCTV footage ng barangay, naglalakad ang biktima pauwi, kasama ang kanyang anak nang bigla na lang hintuan ng isang motorsiklo at kaagad na pinagbabaril ng backrider nito ang biktima.
Sa isinagawa namang follow-up investigation at back tracking ng CCTV footages ng Barangays 383 at 393, bago ang krimen ay makikita pa ang gunman na si Macadaag, habang pagala-gala at tila nagmamanman malapit sa tindahan ng biktima sa Bautista St., sa Quiapo.
Makalipas naman ang ilang sandali ay nakitang kausap nito ang itinuturong mastermind na si Disomangcop, na kinilala mismo ng punong barangay ng Barangay 383 na si Zobaida Sharief.
Sa tulong naman ng isang confidential informant, natunton ng mga imbestigador ang kinaroroonan ng isang itim na Suzuki Skydrive motorcycle na may plakang ND-62591, na sinasabing ginamit umano ng mga suspek sa krimen, habang nakaparada ito sa isang open area, sa tabi ng Golden Mosque Compound sa Elizondo St., Quiapo.
Nakita ring nakasabit sa motorsiklo ang dalawang crashed helmets, na positibong kinilala ng testigo na siyang helmet na suot ng mga suspek nang isagawa ang pagpatay, gayundin ang dalawang IDs na nakapangalan kay Macadaag, na nakasabit sa front glove compartment ng motorsiklo.
Pinuntahan ng mga pulis ang gunman sa kaniyang tahanan ngunit bigo silang maaresto ito.
Samantala, kaagad namang dinakip ng mga awtoridad si Disomangcop matapos positibong kilalanin ng testigo na siya umanong nag-utos sa gunman na patayin ang biktima at kaagad ring isinailalim sa inquest proceedings sa kasong murder.