MANILA, Philippines — Maaga ng dalawang buwan sa itinakdang iskedyul, binuksan na kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos ang tatlong buwan lamang na retrofitting, ng southbound lane ng Kamuning flyover sa Quezon City.
Sinabi ni MMDA Acting Chairman Don Artes na ang maagang pagkumpleto ng pagsasaayos ng flyover ay maiuugnay sa naging kooperasyon at mahigpit na koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya. Ito ay nagsimula noong Mayo at ang inisyal na target na mabubuksan ay sa Oktubre pa sana.
“The DPWH was able to finish the flyover’s retrofitting works two months ahead of schedule intended to strengthen and prepare it for potential earthquakes, or the “Big One,” ani Artes.
Habang nagawa ng DPWH ang pag-aayos ng flyover para magamit na ito ng mga tsuper, sinabi ni DPWH National Capital Region (NCR) Regional Director Loreta Malaluan na ang patuloy na trabaho ay nakatutok sa ilalim ng flyover.
Lumabas sa datos ng MMDA Traffic Engineering Center na 24,000 four-wheeled vehicles at 23,000 motorcycles ang dumaraan sa southbound lanes ng flyover araw-araw.
Samantala, sinabi ni Artes na nagpapatuloy ang koordinasyon sa iba pang ahensya para sa iba pang tulay sa Metro Manila na itinakda para sa reinforcement, tulad ng Guadalupe Bridge at Magallanes flyover sa Makati City.
Gayunman, ang rehabilitasyon sa Magallanes flyoveray sa gabi isasagawa at walang pagsasara na ipinatutupad upang mabawasan ang abala sa trapiko ng sasakyan, ani Artes.
Samantalang ang repair ng Guadalupe Bridge ay nasa planning stages pa dahil kailangang magtayo ng isang pansamantalang tulay upang ma-accommodate ang mga sasakyang dumaraan dito.