MANILA, Philippines — Umabot na sa 870 tonelada ng basura ang nahakot sa iba’t-ibang lugar sa National Capital Region (NCR) na dulot ng pananalasa ng bagyong Carina at habagat, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes, ang kabuuang nahakot ay simula lamang Hulyo 24 hanggang Hulyo 31.
Kahapon, Agosto 3, pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Kalinga at MMDA ang “Kalinga At Inisyatiba Para Sa Malinis Na Bayan” (KALINISAN) programsa Malabon City, kasunod ng pagbaha dulot ng naturang kalamidad.
Sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na ang programa, na nakatutok sa clean-up operations, ay naglalayong magbigay ng malusog at ligtas na kapaligiran at hikayatin ang partisipasyon ng komunidad na nakaangkla sa diwa ng bayanihan.
Hinikayat niya rin ang komunidad na makipagtulungan sa pamahalaan upang mapanatiling malinis ang kapaligiran sa pamamagitan ng disiplina at tamang gawi sa pagtatapon ng basura.
Samantala, sinabi naman ni Artes na ang pagkumpuni sa nasirang Malabon-Navotas River navigational gate ay prayoridad ng national government at concerned agencies na mahigpit na nagbabantay sa sitwasyon at gumagawa ng tamang hakbang.
“The repair of the navigational gate is complicated, so we have to be very careful. In coordination with the DPWH, we are working on the repairs based on the agreed timeline. Rest assured we will hasten the repair,” ani Artes.
Patuloy pa rin aniya ang pagsasagawa ng clean up operations sa iba pang bahagi ng Metro Manila na naapektuhan ng nasabing kalamidad.