Bureau of Immigration: 27 illegal online gaming workers, naipadeport na

MANILA, Philippines — Inianunsiyo ng Bureau of Immigration (BI) kahapon ang deportasyon ng isang batch ng mga Chinese nationals na una nang inaresto dahil sa ilegal na pagtatrabaho sa bansa.

Ayon sa BI, Agosto 1 ng hapon nang ipa-deport ang 27 Tsino, lulan ng Philippine Airlines flight patungong Shanghai, China.

Dapat sana umano ay 33 ang mga da­yuhang ipade-deport ngunit hindi natuloy ang deportasyon ng anim sa kanila matapos na hindi makakuha ng clearance mula sa National Bureau of Investigation (NBI) at matuklasang may nakabinbin pang kaso sa bansa.

Kailangan pa muna umanong panagutan ng mga dayuhan ang kanilang kaso sa Pilipinas bago tuluyang maipa-deport ang mga ito.

“We are committed to ensuring that all necessary legal procedures are followed before deportation,” ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco. “This is to guarantee that justice is served and the integrity of our legal system is upheld.”

Nabatid na ang mga naturang Chinese nationals ay kasama sa mga dayuhang naaresto ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa magkakahiwalay na operasyon sa Las Piñas, Pasay, at Tarlac, laban sa illegal online gaming activities.

Show comments