MANILA, Philippines — Patay ang isang lalaki matapos hatawin ng LPG (liquified petroleum gas) ng kanyang kuya nang magkaalitan, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Dead on the spot ang biktimang si Cesar Pedro Labao Daña, 50, driver, habang nasa kustodiya na ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na si Gabriel Labao Daña, 60, driver, kapwa stay-in sa BPTS Compound sa Brgy. Talayan, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente dakong alas-9 ng gabi nitong Huwebes.
Lumilitaw na nag-iinuman ang magkapatid na biktima at suspek kasama ang iba pang kasamahan sa trabaho.
Nagulat na lamang ang mga katrabaho at saksi nang sitahin ng biktima ang suspek sa hindi malamang dahilan.
Nagsuntukan pa umano ang magkapatid na naawat naman ng kanilang mga kasamahan. Dito na umalis ang biktima.
Makalipas ang ilang minuto, bumalik si Cesar na may dalang lyabe at muling kinompronta ang suspek.
Bunga nito nagalit ang suspek at hinataw sa ulo ng superkalan na LPG ang biktima.
Agad na humingi ng saklolo ang mga saksi na nagresulta rin ng pagkakadakip sa suspek.