MANILA, Philippines — Tuloy ang PUV Modernization Program.
Ito ang paninindigan ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa kabila ng resolusyong itinutulak sa senado para suspendihin pansamantala ang PUVMP.
Ayon kay DOTr Undersecretary Andy Ortega, tuloy ang implementasyon ng modernization program at huwag na aniya itong pigilan pa.
Sinabi ni Ortega na
nirerespeto niya ang hakbang ng Senado pero hindi nila puwedeng ihinto ang programa at ang mainam aniya ay pagtulungan na lamang ang isyu na ipinupunto ng mga stakeholders.
Binigyang diin ng opisyal na ang resolusyon na inihain ng mga Senador ay pupunta sa Malacañang sa opisina ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang punong ehekutibo ang magdede-sisyon ukol dito.
“On the part of the DOTr, we are pursuing the program because we know kaya po nating ayusin ang lahat ng problema sa usapin sa konsultasyon, while we are pushing for, ongoing po ‘yung programa natin,” punto ng opisyal.
Base sa inihaing Senate Resolution 1096, ipinasususpinde pansamantala ng 22 mula sa kabuuang 23 Senador ang PUVMP dahilan sa samut-saring isyu. Kabilang dito ang mataas na bilang ng mga unconsolidated PUV units , phaseout ng tradisyunal jeepney , mababang porsiyento ng inaprubahang ruta at iba pa.
Samantalang sa kaniyang liham kay Senate President Chiz Escudero, sinabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista, nagbabala ito sa mga hindi inaasahang maaring maging kaganapan kung isususpinde ng gobyerno ang implementasyon ng programa. — Joy Cantos, Mer Layson