MANILA, Philippines — Umaabot sa halos P2 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) na nagresulta sa pagkakadakip ng siyam na ‘tulak’ sa magkakahiwalay na anti illegal drugs operations sa Navotas, Malabon at Valenzuela.
Batay sa report na tinanggap ni NPD Director PBGen. Rizalito Gapas, nakilala ang mga suspek na sina alyas Ute, alyas Jonjon, alyas Rally, alyas Payat, alyas Louie at alyas Richie na pawang natimbog sa Navotas; alyas Lupa at alyas Bukol sa Brgy. Mapulang Lupa, Valenzuela at alyas ‘Wangbu’, 43, ng Brgy. Catmon. Malabon.
Sa imbestigasyon ng Navotas City Police sa pamamahala ni PCol. Mario Cortes, pasado alas-2 ng madaling araw nitong Biyernes nang ikasa ng kanyang mga tauhan ang buy-bust operation at nakuha kina alyas Ute at alyas Jonjon ang nasa 200.26 gramo ng shabu na may standard drug price na P1,361,768.00.
Nauna nang naaresto ng SDEU ng Navotas Police sa pangunguna ni PCapt. Genere Sanchez sina alyas Louie at alyas Richie Los Martirez St., Brgy. San Jose na nakuhanan ng 10.69 gramo ng shabu na may halagang P72,692.00 at alyas Rally at alyas Payat na may 5.66 gramo ng shabu na may halagang P38,488.00 sa buy bust operation sa Bonito St., Brgy. NBBS Kaunlaran.
Ayon naman kay Valenzuela City Police chief PCol. Nixon Cayaban nasa P300,00.00 ang halaga ng shabu na nasamsam ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Johnny Llave at PCapt. Joan Dorado sa mga ‘tulak’ na sina alyas Lupa at alyas Bukol harap ng isang eskuwelahan sa Avocado Ext., Brgy. Mapulang Lupa.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 50 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P340,000.00, buy- bust money na isang P500 bill at 8-pirasong P1,000 boodle money, P200 recovered money, cellphone at coin pouch.
Samantala sa report ni Malabon City Police chief PCol. Jay Baybayan, ikinasa ng kanilang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pamumuno ni PCapt. Mark Xyrus Santos ang buy-bust operation at nahuli si alyas Wangbu na nahulihan ng 25 gramo ng shabu at may halagang P170,000.00. Nakuhanan din ito ng isang caliber .45 pistol na may magazine.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 sa ilalim ng Article II of RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek.