Tututok sa kababaihan, LGBTQIA+
MANILA, Philippines — Nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga opisyal ng 896 barangay sa lungsod na magtalaga ng Gender and Development (GAD) Action Officers na tututok sa usapin ng mga kababaihan at mga miyembro ng LGBTQIA+.
Ayon kay Lacuna, “Dito sa Maynila, walang iniiwan. Lahat kasama, lahat mahalaga.”
Kaugnay pa nito, umapela rin siya sa Manila Gender Sensitivity and Development Council na gumawa ng LGBTQIA+ registry, katulad ng ginagawa ng local government para sa kanilang residente na pawang mga persons with disability (PWDs) at senior citizens.
Aniya, sa tulong nito, maaari nang magpatupad at magmantine ng LGBTQIA+ Assistance Desk ng Registry, upang makapaglaan ng ispesipikong pondo para sa serbisyo at benepisyo para sa espesyal na pangangailangan ng nasabing sektor.
Inaasahang maisasama sa naturang registry ang mga nagtatrabaho, nag-aaral at may negosyo sa Maynila.
Ayon pa kay Lacuna, dapat na tiyakin ng mga barangay authorities ang pagpapatupad ng City Ordinance sa LGBTQ protection at anti-discrimination o Ordinance No. 8695.