MANILA, Philippines — Napilitan ang pamunuan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) na limitahan ang operasyon ng kanilang mga tren kahapon bunsod umano ng electrical fault.
Sa abiso ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, nabatid na naganap ang naturang electrical fault sa Baclaran Station ng LRT-1.
Dahil dito, nagpasya ang rail line na magpatupad ng limitadong operasyon mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon kahapon mula FPJ Station hanggang Gil Puyat southbound (unloading), at mula Vito Cruz northbound (loading) hanggang FPJ Station lamang.
Kaagad rin namang humingi ng paumanhin ang LRMC dahil sa nangyari at tiniyak na nasa lugar na ang kanilang Engineering Team upang asikasuhin ang problema.
Naayos naman kaagad ang problema at mabilis ding naibalik ang buong normal na operasyon ng LRT-1 dakong alas-12:40 ng tanghali.