MANILA, Philippines — Daan-daang softshell turtles at makamandag na gagamba ang nasabat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa magkahiwalay na operasyon laban sa illegal wildlife trade sa Pasay City.
Sa isang pahayag ngayong Biyernes, sinabi ng kagawaran na aabot sa 101 Chinese Softshell Turtle ang nakumpiska ng DENR at partner agencies nito noong ika-16 ng Abril mula sa isang Tsino. Sa mga pagong, 89 rito ang buhay habang 12 ang patay.
"The Chinese softshell turtle is listed as Other Wildlife Species based on DENR Administrative Order No. 2019-09 or the Updated National List of Threatened Philippine Fauna and their categories, and the Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Flora and Fauna (CITES)," sabi ng DENR matapos ang buy-bust entrapment operation.
"The species is endemic to China. It is wholly aquatic but surfaces to maintain body temperature and to lay eggs."
Sinasabing paglabag ito sa Section 27 ng Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Ayon sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group Quezon City District Field Unit (PNP-CIDG-QCDFU), nakabatay ang operasyon sa paniniktik at beripikadong impormasyon tungkol sa hindi pinahihintulutang wildelife trade ng suspek at kanyang diumano'y mga kasabwat.
Aniya, nangyayari ang naturang bentahan kahit walang "wildlife permit" mula sa DENR. Inaresto ang mga nabanggit at isasailalim na sa inquest proceedings.
Ika-17 ng Abril naman nang iulat ng Bureau of Customs ang isang kahon ng buhay na gagamba/tarantula sa mga tauhan ng DENR-NCR. Sinasabing nakita ito sa Central Mail Exchange Center ng Philpost sa Pasay City.
"According to the report, the said box originated from Poland and was consigned to a resident of Biñan, Laguna. The shipment did not have an Import Certification from DENR," dagdag ng DENR.
"The tarantulas were concealed in eight (8) pieces of medium plastic tubes and 76 pieces of small plastic tubes."
Ibinigay na sa DENR Biodiversity Management Bureau Wildlife Resource Center sa Quezon City ang mga nakumpiskang softshell turtles at tarantulas para sa tamang pagkikilanlan at pagtatago.
Una nang tinawagan ni Environment Secretary Mraia Antonia Yulo Loyzaga ang mga mambabatas na unahin ang pagpapasa ng mga panukala upang mapalakas ang RA 9147, ito lalo na't kinakailangan aniya ng "sophisticated, robust" at "science-based counter approach" ang mga sopistikadong krimen.
Iminumungkahi ngayon ng kalihim na iituring bilang transnational offense ang wildlife crime, maliban pa sa pagpapataas ng parusa sa wildlife violations, atbp.
Bukod pa rito, dapat daw magkaroon ng pangil ang pagpapatupad ng wildlife law, upang bigyang mandato sa mga ahensya ng gobyernong kontrolin at asikasuhin ang invasive species mula sa mga ibang bansa.