MANILA, Philippines — Arestado ang isang Vietnamese national nang sitahin sa pag-ihi sa pader ng pampublikong lugar at nakuhanan umano ng shabu at ecstasy sa Parañaque City, nitong Miyerkules.
Kinilala ang suspek na si Hoang Van Hieu, na bukod sa paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code, sasampahan din ng reklamong paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 nang makuha sa kaniyang pag-iingat ang dalawang maliit na sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P19,448.00 at isang self-sealing plastic sachet na naglalaman ng 5-piraso dilaw na ecstasy.
Sa ulat ng Tambo Police Sub-station ng Parañaque City Police Station, alas-4:55 ng hapon ng Abril 24, 2024 nang sitahin ng mga mga tauhan ng Barangay Tambo ang suspek habang umiihi sa pader sa Bayview Drive Brgy. Tambo, Parañaque City.
Sa body search, biglang may nahulog na mga plastic sachets at nagtangkang tumakas pa ng suspek. Nang siyasatin ang mga plastic ay nadikubreng naglalaman umano ito ng nasabing mga ipinagbabawal na gamot.
Hindi na pinakawalan ang dayuhan at agad ipinasa sa rumespondeng mga tauhan ng naturang sub-station.