MANILA, Philippines — Isang fire volunteer ang nasawi nang mabagsakan ng kisame ng isang nasusunog na bahay sa San Juan City, kamakalawa ng gabi.
Naisugod pa sa pagamutan ang biktima na nakilalang si CK Oliver, 25, ngunit binawian din ng buhay dakong alas-10:00 ng gabi.
Batay sa ulat ng San Juan City Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na dakong alas-5:00 ng hapon kamakalawa nang sumiklab ang sunog sa Brgy. Isla Batis, sa San Juan City.
Higit 12 fire truck ng mga bumbero at fire volunteers ang rumesponde sa sunog, na malapit lamang sa isang oil depot.
Sinawimpalad namang mabagsakan ng kisame si Oliver habang naglalakad na ang kanilang grupo palabas ng mga nasusunog na tahanan.
Labis naman ang pagluluksa ng pamilya ni Oliver dahil ang buhay anila nito ang naging kapalit ng kanyang kabayanihan.
Tiniyak naman na ng BFP-National Capital Region (NCR) na pagkakalooban nila ng kinakailangang mga tulong ang pamilya ni Oliver.
Nabatid na umabot ng ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang aapula dakong alas-8:00 ng gabi.
Sa pagtaya ng mga awtoridad, aabot sa P1.5 milyon ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy.