MANILA, Philippines — Umakyat na sa 29 katao ang nasawi sa pagkalunod nitong Semana Santa, ayon kay Philippine National Police-Public Information Office (PNP-PIO) chief P/Col. Jean Fajardo kahapon.
Batay sa report ng PNP, hanggang kahapon ng umaga may kabuuang 34 na insidente ng pagkalunod sa iba’t ibang lugar sa bansa kung saan ang pinakamaraming nasawi ay sa Calabarzon o PRO 4-A na mayroong 10 nasawi, sinundan ito ng Ilocos at Cagayan na mayroong naitalang tig-6 na nasawi sa pagkalunod, habang ang Bicol Region naman ay mayroong 5 namatay sa pagkalunod.
Tatlo pa ang patuloy na pinaghahanap na mula sa Rosales, Pangasinan; Jones, Isabela at Tumauni, Isabela habang tatlong iba pa ang sugatan pero nasagip sa pagkalunod.
Ang bilang ng mga nalunod ngayong taon ay mas mababa kung ikukumpara ng Semana Santa ng nakaraang taon kung saan 63 ang naitalang drowning incidents sa buong bansa.
“Ang isa sa naging consideration natin ng deployment ngayon dahil in recent years, ‘yung last year ay meron tayong naitala na 63 drowning incidents kaya ‘yan ‘yun naging consideration kaya ‘yung mga pulis natin dineploy natin sa mga recreational parks, resorts, beaches ay mga trained ito sa search and rescue,” pahayag ni Fajardo.
Dagdag pa ni Fajardo na may dalawang insidente ng pagkalunod subalit naagapan ng mga pulis.
Bukod dito ay nakapagtala rin ang PNP ng 10 vehicular incidents, 1 kaso ng theft, 4 na acts of lasciviousness, 4 na robbery, 1 sunog at 1 kaso ng frustrated homicide nito lang Semana Santa.
Hanggang ngayong Lunes, heightened alert pa din ang PNP dahil sa inaasahan na pagdagsa ng mga tao na magbabalikan mula sa pagbabakasyon sa kani-kanilang probinsya kaya bantay sarado pa rin ang mga pantalan, bus ports, terminals at airport.