MANILA, Philippines — Sasabak na ang mga traffic enforcers sa Mandaluyong City suot ang kanilang mga body cameras matapos na bumili ng 100 pirasong body cams ang Mandaluyong City government.
Sa isang pahayag kahapon, sinabi ni Mandaluyong City Mayor Ben Abalos na ang mga biniling body cameras ay agad na ipinamahagi sa mga traffic enforcers ng lungsod upang magamit nila sa pagmamando ng mga batas trapiko, at implementasyon ng Single Ticketing System (STS).
Ayon kay Abalos, kasama ng mga ticketing devices, ang mga naturang body camera ay gagamitin ng mga traffic enforcers upang masigurong transparent ang pagpapatupad ng STS sa lungsod.
Anang alkalde, makatutulong din ang mga ito na mapadali ang proseso ng paghuli ng mga motoristang lumalabag sa batas trapiko.
Nitong Lunes, ang Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong ay kaisang lumagda sa implementasyon ng STS sa National Capital Region (NCR), kasama ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO).
Ang programa na isinagawa sa lungsod ay pinangunahan nina Abalos, Vice Mayor Menchie Abalos, MMDA General Manager Procopio Lipana, Assistant General Manager David Angelo Vargas, at LTO Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II.