MANILA, Philippines — Siyam na katao ang nasugatan sa pagsabog ng granada sa tapat ng isang tindahan sa Mandaluyong City, kamakalawa.
Hindi kaagad nakuha ang pagkakakilanlan ng mga biktima habang may lima na umanong persons of interest (POIs) ang tinututukan ng mga awtoridad sa krimen.
Batay sa ulat ng Eastern Police District (EPD), nabatid na dakong alas-10:00 ng umaga nang maganap ang pagsabog sa tapat ng tindahan ni Jeffrey Gillaco sa Block 40, Brgy. Addition Hills.
Kasalukuyan umanong nagse-cellphone si Gillaco nang makita ang isang maliit na bagay na bumagsak sa tapat ng tindahan.
Ilang segundo lamang aniya ay bigla na itong sumabog na sinundan ng pagkalat ng makapal na usok.
Nagresulta ito sa pagkasugat ng mga biktima at nag-iwan ng malaking uka sa kalsada at pinsala sa mga kalapit na tahanan.
Kasalukuyan naman nang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung sino ang may kagagawan nito, gayundin ang kanilang motibo sa krimen.